
KUON KANG KATAW / JOHN IREMIL E. TEODORO / Ginbata kag nagbahёl sa baybayёn kag taramnanan kang Maybato Norte, San Jose de Buenavista, Antique. Sangka premyado nga manunulat, awtor tana kang pulo ka mga libro kang mga binalaybay, sugidanёn, kag sanaysay sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, kag Ingles. Miyembro tana kang Executive Board kang Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tana ang Bise Presidente kag Kalihim Heneral kang ORYANG: Katipunan ng mga Gurong Filipino para sa Bansang Filipino. Nagaestar tana kadya sa Syudad Pasig.
(Credit sa Portrait kang Manunulat: FUSIN).
Direksiyon ng Maikling Kuwento sa Hiligaynon
Sa susunod na taon mangyayari na ang ASEAN integration. Ekonomikong integrasyon ito ng sampung bansang sakop ng Association of South East Asian Nations. Kailangang makisabay ang Filipinas kung kaya napakaraming pagbabago ang nangyayari sa ngayon sa larangan ng edukasyon. Ang pagrebisa ng pambansang kurikulum sa basic education at sa tersiyaryong nibel ay may kaugnayan dito. Nagdagdag tayo ng dalawang taon sa basic education kung kaya naging K to 12 ito at ang mga unang baitang ay tuturuan sa kanilang mga inang-wika. Sa antas ng kolehiyo naman ay babawasan at papalitan ang mga general education subject upang mas maging interdisiplinaryo ito at maging global ang perspektiba. May mga unibersidad na ring inilipat sa Agosto ang pagbubukas ng klase upang maisabay ito sa pagbubukas ng maraming mga klase sa ibang bansa. Sa ganitong paraan mas mabibigyan ng pagkakataon ang mga pagpapalitan ng mga estudyante at propesor sa pagitan ng mga unibersidad at kolehiya sa Timog-Silangang Asya.
Ano ngayon ang magiging papel ng Literaturang Hiligaynon (at iba pang mga literaturang rehiyonal at katutubo) sa harap ng globalisasyon?
Unang-una, nag-iiba na rin ang kahulugan ng salitang “rehiyonal.” Sa kontexto ng globalisasyon ang “rehiyon” ay tumutukoy na ito sa mga lugar sa daigdig na magkalapit ang teritoryo at ang kultura. Halimbawa, ang mga bansa sa ASEAN ay isang rehiyon. May rehiyon na ng Timog-Silangang Asya, na sa ayaw man natin at sa hindi, ay magkakaroon na ng integrasyong ekonomiko sa 2015. Dahil ekonomiks ang pinag-uusapan dito, tiyak kasama ang mga usaping edukasyon (dahil naging malaking negosyo na ang edukasyon sa ating lipunan) at kultura (dahil isang gahum itong nagagamit hindi lamang sa pananakop sa mga pisikal na teritoryo kundi sa teritoryo ng imahinasyon at kaluluwa).
Isang banta at isang biyaya itong ASEAN integration at globalisasyon sa ating mga literatura. Banta na tuluyang malibing ang Literatura ng Filipinas sa malawak na Literatura ng Daigdig. Halimbawa, wala tayong manunulat na kasing-sikat ni Pramoedja Ananta Toer. Matagal nang sinasabi ng mga kritiko natin tulad ni Hosillos na dahil ito sa nagsusulat tayo sa Ingles na hindi naman natin wika talaga. Ito rin ang sinasabi ng pilosopong si Emerita Quito na wala pa rin tayong dakilang mga obra dahil hindi kayang ihayag sa Ingles ang kung anumang nais nating ipahayag. Ang mga pinakamagaling nating manunulat sa Ingles ay palaging sampid sa mga literatura sa Estados Unidos, Inglatera, Australia at iba pang mga mayamang bansang Ingles ang pangunahing wika. Ang “opisyal” na wika sa ngayon ng ASEAN ay Ingles. Kakatwa ito dahil mawawalan nang saysay ng pag-isa nating mga Aseano kung banyagang wika—at wika ng mga kolonisador natin noon—ang gagamitin natin sa pakikipagtalastasan sa isa’t isa.
Baka mawalan nang saysay ang tagumpay ng pagkakaroon ng pambansang wika ang mga bansang tulad ng Malaysia at Indonesia. Baka lalo tayong mahirapang mga Filipino na buuin ang ating wikang pambansa dahil sa ngayon, marami pa rin sa ating mga lider, negosyante, at edukador ang maka-Ingles. Marami ngang mga manunulat sa labas ng Metro Manila ang nanaisin pang mag-Ingles ang buong bayan kaysa suportahan o tumulong sa pagbuo ng Filipino bilang wikang pambansa dahil nakabase ito sa Tagalog. Sa ganitong kontexto, isang malaking panganib ang rehiyonalisasyon (sa bagong kahulugan nito) at globalisasyon.
Subalit nakikita kong isa ring malaking biyaya itong integrasyon ng ASEAN. Maaari kasi tayong magsimulang balikan ang ating mga katutubong kultura bilang Aseano at hanapin ang ating mga pagkakatulad. Halimbawa, kumintal sa aking isipan ang mga nasaksihan ko sa pagbakasyon ko sa Bali, Indonesia noong Oktubre 2012. Isinasabuhay ng mga Balinese ang sariling kultura. Bagaman napakaraming turista (Ang Bali ay parang isang malaking Boracay at isang malaking Baguio sa iisang isla.) ay isinasabuhay nila ang kanilang mga ritwal tulad ng pag-aalay ng mga pagkain at bulaklak sa mga spirit house nila sa maraming sulok ng mga kalsada at bakuran. Ang kanilang matingkad na kultura, bukod sa magaganda nilang tanawin na parang mga tanawin din natin dito sa Filipinas, ay naging atraksiyon pa para dayuhin sila ngmaraming turista na siyempre hanapbuhay ang dala sa kanila. Sa pagbisita ko naman sa Bangkok, Thailand nitong Agosto lamang, kapansin-pansin na nasa kanilang sariling wika at pamamaraan ng pagsulat ang karamihan sa mga karatula sa kalsada. Pati ang bote ng Coke at Sprite ay may nakasulat sa Thai. Hirap silang mag-Ingles subalit di hamak na mas marami ang mga turistang pumupunta sa kanila kaysa atin. Maaari nating pamarisan pagdating sa pagsasabuhay ng sariling kultura sa gitna ng globalisasyon ang mga karatig-bansa natin sa Timog-Silangang Asya. Masyado kasing Amerikanisado tayong mga Filipino at mistula itong malalang kanser sa ating pagkatao. At paano natin magamot ang sakit na ito? Dito natin kailangan ang ating mga babaylan. Kailangan nating bumalik sa ating pagkababaylan. Ang koneksiyon natin sa ating mga kapuwa Aseano ay nasa mga katutubong kultura natin.
Ang mga pag-aalay na iyon ng pagkain na nasaksihan ko sa Bali ay matagal ko nang nasaksihang ginagawa ng mga babaylan sa amin sa Antique. Ang ganda at landi sa mga letrang Thai ay makikita natin sa ating mga baybayin na halos wala nang nakakaalala sa atin.
Ang ibig kong sabihin, kung gusto nating makasabay sa integrasyon ng ASEAN at sa globalisasyon at hindi tayo maiwanan at maitsapuwera, mabilis na nating gawin ngayon ang integrasyon nating mga Filipino. Linangin natin ang mga katutubong kultura natin at tiyakin na sa paglilinang na ito ay makakapag-ambag tayo sa paglinang ng ating pagka-Filipino.
Samakatwid, hindi na pupuwede na tayo-tayo na lamang sa ating mga isla o baryo. Hindi pupuwedeng Hiligaynon o Kinaray-a lamang ang gagamitin natin at ihiwalay ito sa Filipino. May magagandang halimbawa na tayong maaaring pamarisan tulad ng mga Tagalog na makatang Rebecca Añonuevo at Michael Coroza na kusang nag-aaral ng Hiligaynon. Ito ang hindi nagawa ng mga taga-Manilang guro naming sina Bienvenido Lumbera, Virgilio Almario, at Isagani R. Cruz. Naririyan din ang Tagalog na si D.M Reyes at ang Sebwanang si Hope Sabanpan-Yu na nag-aaral ng Bahasa Indonesia. Ang manunulat sa Sebwano, Filipino at Ingles na paring si Rolando S. Salvana ay marunong magbasa, magsulat, at magsalita ng Thai. Hindi na uubra ang isang manunulat ngayon na iisang wika lamang ang alam at itinataguyod. Ganito ang nangyayari ngayon sa mga Filipinong manunulat na Ingles lamang ang alam at gusto. Napakalimitado na ng kanilang mambabasa. Para maging lubos ang integrasyon ng bansang Filipinas at ng buong ASEAN, dapat maisalin natin ang isa’t isa sa ating maraming wika.
Ngunit upang magawa ito nang maayos, kailangan natin dito sa Filipinas ang isang pambansang wika, ang Filipino, upang magkaroon tayo ng wikang kumon na mas marami ang nakakaintindi. At kailangan ng ASEAN ng isang Aseanong wika na sa tingin ko ay Malay o nakabase sa Malay dahil ginagamit na ito sa apat na bansa—Malaysia, Indonesia, Brunei Darussalam, at Singapore. Kamag-anak na wika rin ito ng mga wika natin sa Filipinas.
Kailangang balikan ng mga manunulat sa Hiligaynon ang kanilang pagiging babaylan kagaya ng ipinakita ng mga kuwento sa antolohiyang ito. Subalit kailangan lumawak na rin ang mga pagkukuwentong ito at ilagay sa kontextong Filipino at Aseano. Ibayong pagbubukas ng isipan ang kailangan dito. Sa ganitong paraan mas magiging makapangyarihan pa ang babaylan sapagkat dadami pa ang kaniyang wika at kulturang alam.
Ang babaylan sa kaniyang pagbabalik ay isa nang global na nilalang. Parang si Dr. Milagros Paguntalan sa kuwento ni Deriada —aral sa kanluraning kaalaman subalit binabalikan at babalikan ang katutubong kaalaman. Ph.D. na babaylan? Bakit hindi. Nasa siglo 21 na tayo! Sa ganitong paraan lamang mananatiling litaw, may boses, at buhay ang lahing Ilonggo, ang lahing Filipino, and lahing Aseano sa masaya ngunit mariit na mundo ng globalisasyon.
Filed under: GUEST BLOGGERS, JOHN IREMIL E. TEODORO Tagged: Balay Sugidanun, Hiligaynon, John Iremil Teodoro, KUON KANG KATAW, Philippine Languages, Philippine Literature
