Quantcast
Channel: Hiligaynon – Balay Sugidanun
Viewing all articles
Browse latest Browse all 56

IYAS: Isang Antolohiya sa 5 Wika

$
0
0

IMG_1219

Pangga Gen/taga-uma@manila

Pangga Gen/taga-uma@manila

Inilunsad ang IYAS Anthology (2001-2010) noong Biyernes, Abril 26, 2013, alas syete ng gabi, sa Balay Kalinungan sa University of St. La Salle sa Bacolod City. Ito rin ang nagsara ang isang linggong IYAS National Writers Workshop at KRITIKA National Workshop on Art and Cultural Criticism. Suportado ito ng De La Salle University-Manila at National Commission for Culture & the Arts (NCCA).

Nasa 5 wika ang antolohiya. Si John Iremil Teodoro ang nag-edit ng Hiligaynon at Kinaray-a, si Marjorie Evasco ng Cebuano at English Poetry kasama si Susan Lara sa Fiction, at ako sa Filipino para sa tula at maikling kuwento.

Kabilang sa Filipino ang mga akda nina Arbeen Acuna, Vijae Alquisola, Mark Anthony Angeles, Jonathan Davila, Joselito delos Reyes, Irish Angelica Ibon, Phillip Yerro Kimpo, Nikka Osorio, Carlos Piocos III, Edgar Calabia Samar, Charles Tuvila, Enrique Villasis, Winton Lou Ynion, Christoffer Mitch Cerda, Vladimeir Gonzales, at Bernadette Neri.

Inaasahan ang paglabas ng susunod na antolohiya sa 2015.

Narito ang aking Introduksyon:

Dahil ang Iyas ay Hiyas at Narito ang Pagpapadayon

At ano na ang nangyari sa mga iyás, matapos maaruga, isang linggo, nang tag-araw na iyon, sa Balay Kalinungan sa St. La Salle, sa syudad ng Bacolod?

Iyás: Pangngalan. Salitang Hiligaynon para sa binhi, tubó, butò. Salingsing.

Kung ang pangangamusta na ito ay isang pagpoposisyon ng impluwensya at impact ng institusyon na IYAS bilang isang mapag-arugang mga kamay sa pagtubo, pananalingsing, pamumukadkad, paghahalimuyak, pagbubunga’t pagmamatamis ng mga naging fellow, narito ang walang paumanhin na pagtatanghal ng presensya ng produksyon sa Filipino ng isang writing workshop. Narito ang integridad ng mga paghahanda bago ang nakatakdang araw na iyon ng pagsumite, nang oras na iyon ng pagkatanggap ng tawag at email na isa ka nga sa 15, nang moment na iyon sa araw na iyon ng ‘yong pagkasalang-paslang, nang buong linggong iyon ng Abril ng ‘yong taon. Maging, at lalo na, nang mga sumunod na taon pagkatapos ng IYAS; nang paglipas ng panahon.

Narito ang hakop ng mga tula, maikling kuwento, dula. Mga handum (pangarap) na maging isa sa mga manunulat – published at award winner– ng/sa bansa, na siya na ngayong handumanan (alaala), dahil nagkatotoo nga at nangyari na (nagka-Palanca, nagka-libro, etc.), at kung gayon, isa na ring instrumento sa/ng pagsusukat sa naabot, narating. Kaya ang handum, na naging handumanan, kaakibat o kaalinsabay ang/ng imbestigasyon at refleksyon, ay may potensyal na maging handurawan. O siya na nga, siya na rin. Ikonsidera halimbawa ito: handuraw: pandiwa. Pagbabalik-tanaw. Akto ng pag-alaala. Handurawan: pangngalan. Handuraw + larawan. Imahen ng alaala. Halimbawa, isang kongkretong bagay tulad ng baul sa Balay Kalinungan. Ngunit ito ang interesante: ang larawan sa salitang ito ay hindi lamang isang imahen ng alaala, kundi gayundin, ng hinaharap.

Visyon.

Ang paghanduraw kung gayon ay isa ring paglalatag ng bukas. Lalo pa nga ba dahil ang iyàs ay hiyas – s’ya na rin, s’ya na nga.

Narito ang mga hiyas: “itong mga paa,” itong “panalangin ng panahon,” “turista,” “alitaptap,” “painted bird,” “alamat ng batobalani,””kasiyahan ng mga isda,” “pusa,” “katok,” “bago makatawag nang long-distance,” “kung paano pinapatay ang issue,” at iba pa, gayundin ang mga wala rito, ang mga hindi naisama. Dahil higit pa sa mga narito rin ang alam natin, ang mga akala natin alam na natin, at nauunawaan na, o di kaya’y natanggap na.

Narito ang mga hiyas tungo sa maligayang pagbabasa, tungo sa kagalingan sa pagsusulat, at higit sa lahat, tungo sa intelihenteng pagdidiskurso sa mga pangyayari sa ating buhay at lipunan: ang pagpapadayon sa pag-akda at publikasyon.

Publiko. Ang paglikha nito, pag-aruga, sa pagpapatuloy ng sining — ng buhay.

Duro gid nga salamat!


Filed under: BLOG, PANGGA GEN Tagged: Cebuano, Filipino, Genevieve Asenjo, Hiligaynon, IYAS Workshop, KINARAY-A

Viewing all articles
Browse latest Browse all 56

Trending Articles