Salin mula sa Hiligaynon ni GENEVIEVE L. ASENJO
Nanalo ang orihinal na versyon ng ikatlong gantimpala sa 1997 Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, kategorya ng Maikling Kuwento – Hiligaynon. Sa kasalukuyan, apat na unang gantimpala at tatlong pangalawa sa ganitong kategorya (isa na lang para maluklok sa Palanca Hall of Fame) ang hinahawakan ni Alice Tan Gonzales. Siya ang pinakapaborito kong manunulat sa Hiligaynon. Premyado rin siya sa kanyang mga binalaybay (tula), iskrip at dula, at kwentong-pambata. Naging guro ko siya noong kolehiyo sa UP in the Visayas sa Miag-ao, Iloilo. Siya rin ang may huling hawak ng NCCA Prize (2011) para sa rehiyon para sa kanyang bagong koleksyon ng mga sugilanon.
Naisalin ko ito noong 2007. Nabalikan kamakailan. Sinisikap ko pang i-retrieve mula sa mga lumang USB ang dalawa pang naisalin sa kanyang mga sugilanon. Heto muna sa ngayon at may permiso ito mula sa kanya na malathala dito. Narito rin ang isa kong papel na nabasa sa isang kumperensya, Ang Kasarian At Rehiyon sa mga Sugilanon ni Alice Tan Gonzales (PDF). – GLA
Nanumbalik sa akin ang larawan ng nakaraang pangyayari katulad ng bagong sikat na araw sa umaga. Unti-unti, ngunit sa isang upuan lang. Noong una ang akala ko sa ibang tao ito nangyari dahil napakatagal na. Higit na dalawampung taon. Pitong taon kong hinalungkat ang aking memorya sa paghanap ng dahilan sa aking sitwasyon, ngunit ngayon ko lang nakita. Sa panahong iyon, importante sa akin na malaman ang dahilan. Ngunit ngayong nalaman ko na, parang di na importante. Wala na akong galit kay Ronald. Kahit nga kay Toto Dodoy na siyang dahilan ng lahat – wala akong galit. Sama ng loob ang naiwan. Lungkot.Kalungkutan. Ito ang aking nakuha sa pag-iisip sa takbo ng aking buhay. Ganito nga ba kapag tumatanda na ang isang babae?
Napaka-morbid na kaisipan para sa aking kaarawan.
Kinuha ko ang telepono. Nag-dial. Hindi na ako makakapaghintay pa.
“Hello?” Si Larry sa kabilang linya. “Gem?”
“Oo. May pupuntahan ka? Labas ‘sana’ tayo.”
“Hindi ako pwede ngayon, Gem. Papunta kami ni Dave sa Antique. May bagong klinik doon na nag-inaugurate ngayong araw. May dinner alas syete. Kailangang nandoon kami. Alam mo naman kaming mga drug pushers. Presence. Palakasan.”
“Ngayong araw?” Parang gusto kong idagdag na “birthday ko.” Pero gusto kong malaman kung talagang nakalimutan niya.
“Mam’yang gabi. Bukas na lang, pwede?”
Nanghina ang aking balikat. “Sige lang, Lar. It’s not important,” sabi ko with grand irony.
“Sige, Gem. Tawgan kita buas.”
“Goodbye, Larry,” wika ko na hindi na hinintay pa ang kanyang sagot.
Nangyari nga ang kinatatakutan ko. Kung minsan tag-isang linggo na hindi siya makakatawag. Out of town kuno siya. Sige lang. Ngunit kaarawan ko ngayon at nakalimutan niya. Kahit papunta siyang Antique kung hindi lang sana siya nakalimot sa birthday ko. Kung may pinadala lang sana siyang gift. Na flowers.
Hindi ako dapat umiyak. Pag-iisipan ko kung ano ang aking gagawin. Sobra akong anxious kung kaya’t nag-undertime ako at naghintay kung darating o di kaya’y tatawag man lang si Larry. Sana niyaya ko na lang sina Mila at Rose na magmiryenda o maghapunan. Mga kaibigan ko sila sa bangko. Pero palagi lang silang nagmamadali. May mga anak kasing maliliit.
Kinuha ko ang kard sa regalo nila Mila at Rose. Binasa. “We know you will be needing this very soon. Happy birthday.”
Ang akala nila malapit na akong ikasal. Natatawa ako. Parang iiyak. Dadalhin ko na lang siguro ang dinner set nila kay Papang. Si Papang hindi man lang nagpakita na nagugustuhan niya ang mga inuuwi ko dahil hindi siya kumporme sa mga ginagawa ko sa aking buhay. Sabi niya na mabuti lang at wala na si Mamang para makita ang aking mga pinaggagawa. Pero sa tingin ko, mas mabuti sana kung nandito lang si Mamang.
Two years ago, humingi ako ng transfer sa Iloilo upang maplantsa ko ang gusot kong buhay. Pero ang sabi ni Papa lumayo ako para hindi niya makita ang aking pagmimilagro. Hindi niya nakita si Larry. Hindi man lang nakasama si Larry sa akin sa Bacolod. Siguro matutuwa si Papang kung makikilala niya si Larry. Kaedad ko, may hitsura, mataas ang income. Detail man si Larry. Pero nasisiguro ko ngayon na hindi na talaga sila magkakakilala pa ni Papang.
Ang morbid talaga. Kailangang may kasama ako. Iniangat ko ang telepono. Sino ang aking tatawagan? Hindi rin naman makakalabas sina Mila at Rose. Sino sa mga dalaga? Si Malou? Si Jenny? Si Chato? Gabi na sila kung umuwi. Isa pa, hindi naman kami close. Nabo-bored ako sa kwentuhan namin tungkol sa sale sa department stores, bayo, sapatos, o sa buhay ng ibang tao. So, sino kaya? Si Claire! Siguro si Claire na lang. Nakilala ko si Claire last month sa birthday ni Chato. Second cousin siya ni Chato. Magaan kaagad ang loob ko sa kanya. Last week, nagkabanggaan kami sa Bargain House at nagkayayaang mag-snacks. Doon kami nakapagkwentuhan kay Freud. Maraming alam si Claire. Director siya ng isang NGO na nag-aasikaso sa mga babaeng nangangailangan ng tulong. Walang bana. Baka pwede siya.
Hinugot ko ang calling card niya sa aking wallet at nag-dial.
“Hello. Good afternoon. D’yan ba si Claire?”
“Speaking. Gemma, ikaw ‘to?”
Tumawa ako. “Alam mo.”
“Kilala ko ang boses mo. Nakatawag ka.”
“Libre ka?”
“In thirty minutes. May tinatapos lang akong problema dito sa opisina. Bakit naman?”
“Birthday ko.”
“Happy birthday! So, iniimbita mo ako sa party mo?”
“Dalawa lang tayong lalabas.”
“Ang boyfriend mo?”
“Out of town.”
“O. Sige. Sa’n mo gusto?”
“Dinner na lang, somewhere quiet. May ma-suggest ka?”
“May bago sa de Leon. “Best of Friends.”
“Sige, let’s try it. Mukhang maganda nga ang lugar nila d’yan. Ano, alas syete?”
“Eight na lang para makapag-shower pa ako.”
“Thanks, Claire.”
“Ako nga ang magpapasalamat sa’yo dahil inimbita mo.”
“Thanks dahil available ka. Medyo depressed ako ngayon, e.”
“Poor girl! Sige lang. Let’s enjoy mam’ya.”
“Sige, Claire, see you.”
“See you.”
Ibinaba ko ang telepono. Okey na kasama si Claire. Matalino. Malalim ang pananaw sa buhay. Totoong tao. Napahinto ako. Naalala ko ang pumasok sa aking isipan sa una naming pagkita sa party ni Chato – pakiramdam ko lang. Na lesbian siya. Kung tama ito, hindi kaya mali ang desisyon kong lumabas kasama siya? Pero, so what? Bakit ano’ng gagawin namin? Mag-dinner lang naman kami. At comfortable ako sa kanya. Parang iisa lang ang aming pag-iisip. Parang alter ego ko siya. Wala namang may mawawala kung mag-dinner ako kasama siya.
Alas syete ako lumabas sa boarding house. Nagwindow shopping ako at bumili ng drinks. Kung ordinaryong araw, umiinom ako ng isa o dalawang bote ng beer, kung hindi makatulog. Birthday ko ngayon, kaya champaigne. Wala naman akong regalo sa sarili ko. Isa pa, baka gusto rin naman ni Claire na uminom.
Nasa “Best of Friends” na si Claire, umiinom ng Seven-up pagdating ko. Mangilan-ngilang tao lang ang nasa restawran – may dalawang lalaki sa unahang lamesa at isang pamilya malapit sa pintuan. Pinili ni Claire ang lamesa sa pinakaloob.
“Hi! Kanina ka pa?” Tumayo si Claire. Nakasuot siya ng blouse na sleeveless at miniskirt. Seksi si Claire. Morena at matangkad. Nawala ang pagdududa kong lesbian siya.
“Mga ten minutes pa lang. Happy birthday.” Nagbeso-beso kami. Naamoy ko ang kanyang pabango. Eternity.
Umupo kami. Kaagad nilapag ni Claire ang isang pumpon ng rosas sa lamesa. “Paglabas ko sa opisina, dumaan ako sa central market para bumili ng rosas. To cheer you up.”
Parang may bumara sa aking lalamunan. Natulala ako.
“Anything wrong?”
Umiling ako at pilit na ngumiti. “Salamat sa roses.”
Lumapit ang weyter.
“Ano’ng gusto mo, Gem? Treat ko ngayon ha?”
“Oh, no! Ako ang nag-invite sa ‘yo.”
“Sige na. Hindi ako nakabili ng gift sa’yo.”
Nahiya man ako, pumayag na lang. Pareho ang aming nagustuhan – crab soup, mixed vegetables, grilled squid, sinugbang sibingan at Seven-up. Habang kumakain, napunta ang aming kwentuhan sa trabaho ko, sa kanya.
“Bored na talaga ako sa work ko,” sabi ko. “Wala talagang imagination ang trabaho ng isang teller. Walang kahulugan.”
“I know. Naging teller din ako. My first job. Tatlong buwan lang, hindi na ako nakatiis. So, bakit hindi ka mag-resign? Humanap ng iba?”
“I’m no longer young, Claire. Twenty eight na ako today.”
“If that’s what you think of your age, matanda na pala ako kung gayon. Turning thirty three na ako sa March 12. At next month na ‘yan.”
“Really? So, labas naman tayo kapag wala kang date. Para ako naman ang mag-blow-out.”
“Sure. Pero to go back sa topic, kung hindi ka happy sa bangko, humanap ka na ng ibang work habang maaga pa. Can you imagine yourself na tumanda sa trabahong walang kahulugan sa’yo? Hindi kaya maging wala ring kahulugan ang buhay mo n’yan?”
Ngumiti ako, mapakla. Kumuha ng sigarilyo at nagsindi. “Ngayon pa lang parang wala nang kahulugan ang buhay ko.”
Tumahimik si Claire. Humihintay ng aking idudugtong.
Bumuga ako. Parang gusto kong ibuga ang sakit ng aking dibdib sa babaeng ito na alam kong nakikinig sa akin. Nakakaunawa. “Ang totoo, nakalimutan ni Larry na birthday ko ngayon.”
Nilapag ni Claire ang softdrink na iniinom. “I’m sorry, Gem.”
Tumawa ako, hilaw. “Parang na-expect ko nga na makalimutan niya. Nakakalimutan niya nga mga dates namin, e.”
Umiling-iling si Claire.
“May amnesia siguro. Pusta ko magka-Alzheimer’s disease ‘yan kapag tumanda,” pilit akong nagpatawa. Hindi tumawa si Claire.
“May dala ako ritong champaigne. Inumin natin ‘to,” sabi ko na dinudukot ang bote sa plastic.
“H’wag na lang, Gem. Iuwi mo na lang ‘yan dahil babayad pa rin tayo ng corkage. Dito na lang tayo mag-order.” Sinenyasan ni Claire ang weyter. “Ano ang gusto mo?”
“Martini.”
“Dalawang martini, ‘Noy.”
“Kung alam niyang pag-usapan natin s’ya dito, hindi sana siya nakalimot,” wika ni Claire nang makaalis ang weyter. Nagsindi siya ng sigarilyo.
“Hmp! Hayaan mo siya. Bakit siya lang ang gwapo? Total nakakalbo na rin naman siya.” Parang gusto kong tadtarin si Larry. Tumawa si Claire.
“Malaki pa’ng ilong,” dagdag ko na tumatawa. Nakahalakhak si Claire. Tumatawa pa rin kami nang dumating ang weyter dala ang aming order.
“Happy birthday, Gem. May you have happier birthdays to come.”
“Thank you, Claire. Medyo naka-overcome na ako sa depression. Tawa nga talaga ang best medicine.”
Uminom kami ng aming martini.
“Dahil ba Larry forgot your birthday that’s why wala ng meaning ang buhay mo?” Binalik ni Claire ang topic.
“Sobra pa dyan. Na hindi niya naalala ang birthday ko nangangahulugang di niya ako mahal. But what is worst is dahil noong una pa lang, naramdaman ko nang hindi siya seryoso sa akin, pero pinatuloy ko pa rin. Baka pa lang ma-develop. Desperado akong makatagpo ng isang meaningful relationship. Pero hanggang diyan na lang ako. Kahit bungi o kirat hindi na tatanggap nito.”
Tumawa uli kami. Napalingon ang dalawang lalaki na kumakain sa aming unahan.
Kinuha ko ang rosas na nilapag ko sa silya. Hinaplos. “Si Ronald, ang una kong boyfriend, palaging nagbibigay sa akin ng roses. Nang hindi na dumadating sa akin ang kanyang mga roses, nakuha kong tapos na kami. Humintay ako ng taong muling magbibigay ng roses sa akin. Sa isip ko, kung may taong muling magreregalo sa akin ng roses, marahil palatandaan na ‘yan na tunay na’ng pag-ibig niya sa akin. Sincere. Ngunit pitong taon na ang aking paghihitay, hindi man lang dumating ang mga roses.”
“Parang bumabalik yata ang ‘yong depression. Mabuti siguro magdagdag tayo ng martini.” Nang tumango ako, umorder muli si Claire.
“Ang iba mong boyfriend, hindi man lang nakapagbigay?” pasiguro niya.
“Wala talaga. Namahalan siguro ng roses.” Lumunok ako ng laway.
Tumahimik lang si Claire. Napatahimik kami hanggang dumating ang aming martini.
“Para sa hinahanap mong meaningful relationship,” wika ni Claire na itinaas ang kanyang baso. “Sana mahanap mo, sooner.”
Itinaas ko rin ang aking baso at pinasaltik sa kanyang baso. Sabay kaming lumagok.
“Mabuti sana kung mabili lang ‘yan sa supermarket dahil madali,” sagot ko.
“H’wag kang mawalan ng pag-asa. Bata ka pa at very attractive.”
“Thank you, Claire. Matibay ang suporta mo sa akin.”
“At your service,” sagot ni Claire na kumukislap ang mga mata.
“Apat na ang pumalpak kong relationships,” patuloy ko. “Sa apat, ang una lang ang nagsimula ng tama. Ang tatlo, hindi na kaagad tama sa simula pa lang.”
Tahimik si Claire. Humihintay ng aking idudugtong.
Lumagok uli ako ng martini. “Si Edward, barkada ni Ronald. Ang akala ko may simpatiya siya sa akin sa nangyari sa amin ni Ronald. Depressed ako. Nagkarelasyon kami. Huli ko na nalaman na nagsasamantala lang siya.”
Lumagok uli ako. Umiinit na ang aking pisngi sa martini. “Maniwala ka na sa pagka-desperada ko, nagkarelasyon ako sa boss ko na may asawa? Cheap ko, no?”
“Depressed ka lang siguro.”
Ngumiti ako sa sagot ni Claire. Nakakaunawa nga siya. Lumagok uli ako. “Sa edad ko, gusto ko na sana mag-settle down. Pero alanganin naman kong hindi tamang pares. Maraming mag-asawa ang kilala kong nagkahiwalay.”
“Alam ko. Mga babae ang kaharap ko sa trabaho araw-araw,” sagot ni Claire.
“Nagugustuhan mo ba talaga ang work mo?” pasiguro ko sa kanya.
“Very. Nagustuhan kong magtrabaho para sa mga babae. Naiintindihan ko sila.”
“Kontento ka talaga sa work mo na nakalimutan mo na’ng mag-asawa?”
“Hindi dahil sa trabaho ko kung bakit hindi ako nag-asawa,” sabi ni Claire. “Gay ako,” dugtong niya sa mahinang boses.
Parang nabilaukan ako sa aking iniinom. Dahan-dahan kong nilapag ang baso. Parang wala akong masabi.
“I hope hindi maaapektuhan ang friendship natin sa nalaman mo ngayon. Normally, hindi ako nagsasalita. Pero dahil napaka-personal na naman ng pinag-uusapan natin, so sinabihan na lang kita.”
“Nabigla lang ako. Wala pa akong naging kaibigan na female gay,” sagot ko na parang nahihiya sa aking reaksyon.
“Sex preference lang ang kinaiba namin. Pero kung tungkol sa pag-ibig, hindi rin naman kami pahuhuli,” pahayag ni Claire na walang pag-aatubili.
“Marami ka nang relationships?” Medyo nahiya pa akong magtanong.
“Once lang.”
“Saan na siya?” patuloy ko.
“I lost her. Car accident sa Manila.” Nagbago ang itsura ni Claire. Seryoso. “1992. June 9. She was driving pauwi galing sa trabaho. Nabangga siya ng dump truck. Halos wasak ang kanyang car.”
“I’m sorry.”
“Nagbalik ako sa Iloilo nang mamatay siya. Pero hanggang ngayon, pinag-aaralan ko pa ring mabuhay na wala siya.” May lungkot sa kanyang boses.
“Mahal mo talaga siguro siya kaya wala ka nang may ipinalit sa kanya?” pasiguro ko.
“Oo. Lalo na’t gusto ko totoong relationship. May tunay na pag-ibig sa isa’t isa. Hindi laro. Hindi sex lang.”
Napangiti ako ng mapakla. “Ang sa akin namang relationships, sex lang. Walang true love.”
“Isa pang martini?” tanong ni Claire.
“Sige,” sagot ko kahit nag-iinit na ang aking pakiramdam.
Nag-order si Claire. ‘Yon at napansin kong dumadami ang mga tao sa restawran. Wala na ang isang magpamilya. Pero mga limang mesa na ang okupado. Halos mga lalaki na umiinom ng beer.
“For a true love,” toast ko sang dumating ang aming martini.
“For a true love,” sagot din ni Claire. “Madalang pa ‘yan kaysa buhok sa noo ng kalbo,” dagdag pa niya.
Tumawa kami. Gumaan ang aking pakiramdam. Lumagok.
“What was she like?”
“Sa totoo, parang ikaw.”
“Parang ako?” May pagkagulat kong ulit.
“Oo. Sa hitsura. Mestisahin din siya. Pareho ang inyong mga mata na malulungkot kahit nakatawa. Mas may sense of humor ka lang. Seryoso siya.”
Bumibilis ang paglagok ko ng martini.
“Claire, bakit?” tanong ko na nag-aalinlangan.
Tumawa si Claire. “You mean, bakit nag-gay ako?”
Tumawa rin ako. “Yes.”
Huminga si Claire, malalim. Humithit sang sigarilyo at bumuga. “Maraming reasons kung bakit nagiging gay ang isang tao. Ang maaalala kong dahilan si Daddy. Iniwan niya kami noong limang taon pa lang ako. Tumira siya sa ibang babae. Dalawa kami ng kapatid kong pinalaki ni Mommy. Kumayod siya nang todo. Hindi naman kami naghirap, pero wala kaming daddy sa pamilya. Lumaki akong si Mommy ang idol ko, at hindi ko marahil mapatawad si Daddy sa kanyang ginawa.”
Marami pa akong gustong itanong. Alam kong masasagot ni Claire dahil honest siya at comfortable sa kanyang sitwasyon. Pero baka sobra na. Nagtanong na lang ako tungkol sa kanyang pamilya. Eldest siya sa dalawa. May pamilya na ang kapatid niyang babae. Yumao na rin si Mommy niya. Kanser. Anim na taon na.
Nagtanong si Claire kung gusto ko pa ng martini.
“Eleven thirty na,” sagot ko. Sa tutuo, gusto ko pang makipagkwentuhan sa kanya pero daw nahihilo na ako.
Nagbayad si Claire. Habang naghihintay siya ng sukli, tumayo ako papunta sa ladies room. Pabaling-baling ang aking lakad. Pero binalewala ko ang mga tumitinging lalaki.
“Careful,” wika ni Claire pagbalik ko. Hinawakan niya ang aking braso.
Tumawa ako. “Let’s go,” anyaya ko na binitbit ang roses at champaigne.
“Ihahatid kita sa boarding house mo. Baka hindi mo na alam pauwi,” wika ni Claire pagtigil ng taksi.
Tumatawa akong pumasok ng taksi. “Hindi pa ako lasing, a. Pero sige. Let’s go. Para malaman mo ang lugar ko.”
Binigay ko ang adres sa drayber at sumalampak sa upuan. Pumikit. Hindi na kami nag-usap ni Claire.
N
akatulog marahil ako dahil nang dumilat ako, nakasandig na ako kay Claire at pumapaliko na sa rotonda papunta sa boarding house sa Molo. Dumukot ako sa bag pero sinabi ni Claire na siya na ang babayad dahil sasakay pa siya pauwing Jaro.
“Daan ka muna, Claire. Inumin natin ‘tong champaigne,” anyaya ko.
“Lasing ka na.”
“Hindi. I feel good na dahil nakaidlip ako. Halika na.”
“Baka mabulahaw ang mga tao d’yan kapag dadaan pa ako.”
“Hindi. May susi ako sa gate at hiwalay ang pintuan ng aking kuwarto.”
Pumayag si Claire. Binayaran ko ang taksi at pumasok kami sa gate patungo sa aking kuwarto na nasa gilid ng bahay.
“Maganda pala ang lugar mo.” Pinalibot niya ang kanyang paningin sa kwarto – sa katre, study table, mini ref, electric stove, at C.R.
“Two thousand monthly, pero nagustuhan ko ang privacy. May extension phone pa. Inumin na natin ang champaigne.” Hinubad ko ang aking blazer at inalis ang sapatos. Kumuha ng yelo sa ref at dalawang baso. Binuksan ko ang champaigne habang nilalagay ni Claire sa vase ang roses.
“Happy birthday!” bulalas ni Claire pagputok ng cork.
Umiinom kami habang nagkukwentuhan tungkol sa aking pamilya – kay Mamang na namatay noong hayskul ako, kay Papang na hindi muling nag-asawa ngunit nagwa-one-night stand kung minsan, sa tatlo kong kapatid na may mga pamilya na. Marami na kaming nainom nang mapunta ang istorya kay Toto Dodoy.
“Pinakapaborito siya ni Papang dahil pareho silang engineer. Sa Manila na siya nakatira.”
“Pinakapaborito mo rin siya sigurong kapatid dahil parang napakalungkot ng boses mo sa pagkwento sa kanya,” puna ni Claire.
Hindi ako sumagot. Parang bigla lang sumikip ang aking dibdib. Gusto kong umiyak. Lasing na marahil ako. Dinama ko ang aking pisngi. Nag-aapoy.
“Something’s wrong?” tanong ni Claire na hinahawakan ang aking braso.
“Naalala mo ang discussion natin kay Freud?” Tumango siya. “Ilang araw lang pagkatapos noon may naalala ako. Anim marahil ang aking edad dahil kalilipat lang namin sa City Heights. Mga fifteen naman siya. Siya ang pinakamatanda, ako ang bunso. Isang araw, pumasok siya sa banyo habang nakaupo ako sa basin. Ipinasok niya ang kanyang daliri sa aking ari. Hindi ko maintindihan. Pinabayaan ko lang siya. Pero malalim ‘yon. Nasaktan ako. Dumugo. Hindi ko maalala ng mabuti ang iba pang detalye, pero sigurado akong ipinasok niya ang kanyang daliri sa aking ari.” Mabagal ang aking pagkukwento. Ayaw kong magsobra o magkulang sa aking memorya.
“Curious marahil siya. At least hindi rape ang naranasan mo. Mas traumatic ang rape,” reaksyon ni Claire.
“Huli na ang trauma, Claire.” Tumahimik ako sandali. Lumagok ng champaigne at guminhawa ng malalim. “Sa graduation ball namin ni Ronald, wala kaming inulit-ulit ikuwento kundi ang aming mga plano sa trabaho, sa pagpakasal. Nangyari kami nang gabing iyon sa isang hotel. Pinakamagandang gabi sana sa aking buhay kung hindi lang kami nag-away pagkatapos.” Tumigil muna ako dahil parang nagsisikip ang aking dibdib. “He looked for the blood. Walang dugo. At hindi ako makapagbigay ng dahilan kung bakit.” Pilit akong tumawa. “Dugo lang ang hinanap niya at wala akong maibigay. Ha, ha, ha, ha.” Hindi na pilit ang aking tawa. Parang walang katapusan. Hindi ako tumigil kung hindi ako inakbayan ni Claire at tinapik sa balikat.
“Iyon na ang simula ng katapusan. Walang isang buwan at sinalo ako ni Edward. Pinagsabihan siya siguro ni Ronald sa nangyari. Ang akala niya marahil nagpalipat-lipat ako ng sex partner. Dahil depressed ako, hindi ko kaagad nakita ang tunay niyang motibo. Pero pagkatapos nilang dalawa, pakiramdam ko, wala na akong halaga. Ma-imagine mo kung bakit nagkarelasyon ako sa may asawa. Parang gusto kong ipakita sa lahat na cheap nga ako. Parang wala nang halaga kung ano man ang mangyari sa akin. Parang gusto kong parusahan ang aking sarili. At si Larry, honest ako sa kanya. Pinagtapat kong may tatlo nang nauna sa kanya. Sabi niya okey lang. Pero alam ko, hindi totoo iyon. Pinagpatuloy niya lang ang aming relasyon para sa libreng sex.”
Tumigil ako sa pagkwento. Tumulo ang aking mga luha sa aking kandungan. Nanginig ang aking katawan sa isa’t malawig na pagtangis. Naramdaman kong pinipisil ni Claire ang aking balikat, ang aking braso. Dumapa ako sa katre na aming inuupuan at umiyak. Humagulhol para sa pitong taon na nawala ang pag-ibig sa aking buhay.
Matagal ang aking naging pagtangis. Nang matapos na, naramdaman kong hinahapulas ni Claire ang aking buhok. Matagal niyang hinapulas ang buhok ko. Ang sarap damhin. Nagpa-patila. Nang-aamo. Nagpapatiwala.
“Claire, huwag ka na lang umuwi,” sabi ko na hindi umalis sa pagdapa sa katre.
Dumahan-dahan ang paghapulas niya sa buhok ko hanggang sa tumigil. Matagal siyang hindi nakasagot.
“Claire,” nilingon ko siya’t tiningnan, “if you like me…you care for me…” hindi ko maipagpatuloy ang gusto kong sabihin.
Nagkatinginan kami nang matagal. At ngumiti si Claire. “Upset ka ngayon, Gem. Baka magsisi ka sa ‘yong desisyon,” wika niya at tumayo. Kinuha niya ang kanyang bag sa lamesa. “Bigyan mo ng panahon ang iyong sarili na makapag-isip. Baka lalabas na pinaparusahan mo pa rin ang ‘yong sarili. Hindi ko gusto na mangyari ‘yan.” Bumalik siya sa katre at hinalikan ako sa pisngi. “Goodbye, Gemma. Pero magkikita pa tayo.” Tumayo siya at lumabas ng kuwarto.
Natulala ako. Iniisip ko ang aking mga nasabi. Kung nagpaiwan si Claire at may nangyari sa amin, magsisisi kaya ako kinabukasan? Ewan. Ang alam ko, napakasarap ng pakiramdam ko habang hinahapulas niya ang aking buhok. Na nauunawaan niya ako. Naisip ko na baka wala siyang masakyan. Ala-una na ng madaling-araw. Hahabulin ko sana siya, pero narinig ko na may humintong sasakyan sa harap ng bahay. Sandali lang. At muling umandar papalayo. Naiwan ako. Nag-iisa. Nilikop ako ng kalungkutan katulad ng makapal na ambon sa malamig na umaga.
Katapusan
Filed under: BLOG, DAGYAW, FILIPINO, PANGGA GEN, TRANSLATION Tagged: Alice Tan Gonzales, Balay Sugidanun, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, GENEVIEVE ASENJO, Hiligaynon, Sa Taguangkan sang Duta, Sugilanon
